Mariing tinutulan ni Senator Leila de Lima ang panukalang pagbuo ng Boracay Island Development Authority (BIDA) na isang government-owned and controlled corporation na siyang mamamahala sa Boracay.
Nangangamba si De Lima na maging gatasan lamang ng mga tiwaling opisyal ang itatatag na BIDA.
Pahayag ito ni De Lima, makaraang lumusot na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang BIDA Bill sa kabila ng pagkontra dito ng mga lokal na opisyal, mga ahensya ng gobyerno at iba’t ibang grupo.
Aminado si De Lima na maganda ang ibinunga ng rehabilitation na pinangunahan ng Boracay Inter-Agency Task Force at ngayon ay dapat na aniyang ibalik ng national government sa Aklanons ang operation at management sa Isla.
Giit ni De Lima, dapat hayaan ang Aklanons na siyang mamahala at makinabang sa lahat ng benepisyo mula sa pagpapatakbo ng Boracay na isa sa pangunahing tourist destination sa bansa.
Diin pa ni De Lima, ginagarantiyahan ng konstitusyon ang local autonomy para sa mga lokal na pamahalaan at kasama rito ang paghanap nila ng magkukunan ng dagdag na koleksyon tulad ng paglinang at pamamahala sa mga tourist destination sa kanilang nasasakupan.