Panukalang bubura sa utang ng mga magsasaka na nakatanggap ng lupa sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program, niratipikahan na ng Kamara

Niratipikahan na ng Mababang Kapulungan ang House Bill 6336 o panukalang bubura sa utang ng mga magsasaka na nakatanggap ng lupa sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Saklaw ng panukala ang P57.557 bilyong utang ng 610,054 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) na nagsasaka sa mahigit 1.1 milyong ektaryang agrarian reform land.

Nakasaad din sa panukala na gagawing exempted sa estate tax ang mga agrarian reform land kaya walang babayaran ang mga magmamana nito kung ililipat na sa kanilang pangalan.


Hinggil dito ay inaatasan din ng panukala ang Department of the Interior and Local Government na hikayatin ang mga lokal na pamahalaan na magpasa ng ordinansa na magbibigay ng local tax amnesty sa real property at iba pang transfer tax para sa mga kuwalipikadong ARBs.

Base sa panukala, bawal namang ibenta ang lupang natanggap ng benepisyaryo sa loob ng 10 taon.

Ang kopya ng House Bill 6336 ay ipadadala sa Malacañang para lagdaan ng pangulo at maging batas.

Facebook Comments