Sa botong pabor ng 259 mga mambabatas ay lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ang House Bill No. 7584.
Layunin ng panukalang matuldukan ang “no permit, no exam policy” na nagbabawal sa mga estudyante na kumuha ng periodic examanition kapag may nakabinbin pa silang bayarin sa pinapasukang private elementary at high school educational institutions.
Batay sa Section 4 ng panukala, kailangang magsumite ang mga magulang o guardians ng mga estudyante ng promisory note sa pribadong paaralan bago ang itinakdang araw ng eksaminasyon.
Pinapayagan naman ng panukala ang lahat ng pribadong paaralan na huwag bigyan ng clearance at transfer credentials ang mga mag-aaral na mayroon pang hindi nababayaran na financial obligations.
Umaasa si House Speaker Martin Romualdez na malaki ang maitutulong ng panukala para sa mga estudyanteng nahaharap sa problemang pinansyal habang pinoprotektahan din ng panukala ang mga pribadong eskwelahan.