Manila, Philippines – Sa susunod na Lunes, January 14 ay magbabalik na ang session ng mataas at mababang kapulungan.
Ayon kay Senate President Tito Sotto III, nakahanay na ang mga panukalang batas na kanilang ipaprayoridad.
Pangunahin dito ang panukalang pambansang budget ngayong 2019 na hindi natapos ng Senado ang paghimay bago magsara ang 2018 dahil atrasado nang isinumite ng Kamara.
Natadtad din ng kontrobersiya ang proposed budget dahil sa umano ay sangkaterbang pork barrel na nakasiksik dito.
Bukod dito, ay sinabi ni Sotto na prayoridad din nilang ipasa ang end of ENDO bill na naglalayong ipatigil ang kontraktwalisasyon sa mga manggagawa.
Ayon kay Sotto, kasama din sa tututukan ng Senado ang panukalang amyendahan ang procurement law, local government code at omnibus election code, gayundin ang pagpapabigat ng parusa sa illegal gambling.