Panukalang bumuo at pondohan ang isang “rental subsidy program”, isinulong sa Kamara

Isinulong ni AGRI Partylist Rep. Wilbert Lee ang panukalang batas na bumuo at pondohan ang isang “rental subsidy program” na layuning matulungan ang mga itinuturing na informal settler families o ISFs sa bansa.

Sa inihaing House Bill 2879 o “Rental Housing Subsidy Act” ay binigyang diin ni Lee na mahirap para sa mahihirap na pamilya na makapamuhay ng disente sa ngayon dahil sa COVID-19 pandemic, na sinabayan pa ng mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Itinatakda ng panukala ang ₱3,500 na rent subsidy para sa mga benepisyaryo na nakatira sa Metro Manila habang ang rate o halaga naman ng subsidiya ng mga benepisyaryo sa ibang rehiyon ay tutukuyin ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at National Economic and Development Authority (NEDA).


Base sa panukala, ang rental subsidy ay matatanggap ng mga benepisyaryo hanggang sa petsa o panahong makukumpleto na ang housing project na nakalaan para sa kanila, o kapag sila ay nakalipat na sa permanenteng pabahay.

Ang rental subsidy ay mayroong maximum contract na 5 taon.

Naniniwala rin si Lee na malaki ang maitutulong ng Rental Subsidy Law upang mahikayat ang mga ISF na lisanin ang tirahan nila na malapit sa peligro.

Facebook Comments