Aprubado na sa House Committees on Agriculture and Food at Appropriations ang panukala na layong bigyan ng cash assistance ang mga magsasaka.
Sa ilalim ng Hosue Bill 8964 o Cash Assistance for Filipino Farmers Act of 2020 ni Appropriations Chairman at ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap, binibigyang kapangyarihan nito ang Department of Agriculture (DA) na gamitin na pantulong sa mga magsasaka ang sosobra na koleksyon sa itinakdang ₱10 billion annual tariff revenue ng Republic Act 11203 o Rice Liberalization Law.
Partikular na bibigyan ng direct cash assistance hanggang 2024 ang mga magsasaka na mayroong dalawang ektaryang lupain o mas mababa pa.
Suportado naman ng DA ang panukala na napapanahon ngayong may COVID-19 pandemic.
Inaasahang 1.5 million na magsasaka ng palay ang makikinabang sa oras na maging ganap na batas ang panukala.
Samantala, inirekomenda naman ni Nueva Ecija Rep. Micaela Violago na isama rin sa probisyon ng panukala na ibebenta o bibilhin ng National Food Authority (NFA) ang mga ani ng mga magsasaka nang sa gayon ay mapakinabangan ng husto ng mga ito ang ayuda.