Panukalang Center for Disease Control, hiniling na iprayoridad ngayong 19th Congress

Umaasa ang Kamara na maipaprayoridad sa pagbubukas ng sesyon ng 19th Congress ang paglikha sa Center for Disease Control (CDC).

Muling inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso nina Leyte Rep. Martin Romualdez at Tingog Partylist Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre ang House Bill No.9 na layong i-modernisa ang kakayahan ng bansa para sa kahandaan ng public health emergency at pagpigil sa mga nakakahawang sakit.

Ayon kay Romualdez, umaasa siyang sa pagbubukas ng Kongreso ay maipaprayoridad muli ang panukala sa kapulungan at tuluyang mapagtibay na bilang batas nang sa gayon ay maging handa ang bansa sakaling magkaroon ulit ng panibagong pandemya.


Layunin din ng pagtatatag ng CDC na palakasin ang kasalukuyang ahensya na may mandato na mapigilan ang pagkalat ng communicable diseases sa bansa sa pamamagitan ng organizational at institutional reforms.

Bubuo rin ng modernization program para sa pagbili at pag-upgrade ng mga nararapat na teknolohiya, laboratoryo, pasilidad, kagamitan at iba pang resources gayundin ang kinakailangang relocation at acquisition ng lupa o lokasyon na pagtatayuan ng CDC.

Mapapasailalim din ng CDC ang ilang units o divisions sa ilalim ng Department of Health (DOH) kabilang dito ang Epidemiology Bureau; Research Institute for Tropical Medicine (RITM); at Sexually Transmitted Disease – Acquired Immune Deficiency Syndrome (STD-AIDS) Cooperative Central Laboratory.

Facebook Comments