Panukalang Cha-Cha, malabong umusad sa Senado kung hindi mareresolba ang paraan ng pagboto ng mga senador at kongresista

Ayon kay Senator Panfilo “Ping” Lacson, hindi uusad sa Senado ang panukalang pag-amyenda sa ilang economic provision ng Konstitusyon hangga’t hindi nareresolba ang paraan ng pagboto rito ng mataas at mababang kapulunan ng Kongreso.

Diin ni Lacson, hindi maisusulong sa Senado ang panukalang Charter Change kung hindi malilinaw kung voting jointly o separately ang mga senador at kongresista.

Para sa mga senador ay dapat voting separately ang umiral dahil kung jointly ay magiging irrelevant o walang halaga ang boto ng 24 na mga senador kumpara sa mahigit 300 kongresista.


Samantala, sa tingin naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, hindi interesado sa ngayon ang mga senador na suportahan ang Cha-Cha at sa katunayan ay hindi ito kasama sa agenda sa pulong ng kanilang Legislative Executive Development Advisory Council.

Para naman kay Senate President Tito Sotto III, wala na silang sapat na panahon para aksyunan ang panukalang Cha-Cha dahil limang session days na lang ang nalalabi bago ang sine die adjournment.

Sabi ni Sotto, ngayon ay halos na naaprubahan na nila o kaya ay nasa advance stage na sa Senado ang mga panukalang batas na sinertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments