Panukalang Cha-Cha, sinimulan nang talakayin sa Senado

Sinimulan na ngayong talakayin ng Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes ang panukalang Charter Change (Cha-Cha).

Ayon kay Committee Chairman Senator Francis “Kiko” Pangilinan, pangunahing pagtutuunan nila ngayon ay kung napapanahon ba na magsagawa ng Cha-Cha habang may pandemya at may krisis sa ekonomya.

Sa kanyang opening statement ay binigyang-diin ni Pangilinan na halos 10,000 na ang nasasawing Pilipino dahil sa COVID-19 habang libo-libo ang nawalan ng trabaho at kabuhayan.


Aminado si Pangilinan na hindi perpekto ang 1987 Constitution pero kanyang ipinunto kung maituturing bang bakuna ang Cha-Cha na tugon sa health crisis ngayon at makakatulong din ba ito sa pagbangon ng ekonomiya.

Tatalakayin din sa pagdinig ngayon kung isasagawa ang Cha-Cha sa pamamagitan ng pag-convene ng Senado at Kamara bilang Constituent Assembly (ConAss) o kaya ay sa pamamagitan ng Constitutional Convention (ConCon).

Dito sa Senado ay mayroong magkahiwalay na resolusyong inihain sina Senator Sherwin Gatchalian at Senator Richard Gordon na nasusulong amyendahan ang mga restrictive economic provision sa konstitusyon.

May inihain namang resolusyon na nagtatakda ng ConAss sina Senators Christopher “Bong” Go, Ronald “Bato” Dela Rosa at Francis Tolentino.

Humarap din ngayon sa pagdinig ang mga kinatawan ng Department of Justice (DOJ), Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga constitutionalist.

Facebook Comments