Panukalang Cha-Cha, sinimulan ng talakayin sa Kamara

Sinimulan na ng House Committee on Constitutional Amendments na pinamumunuan ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang pagtalakay ukol sa mga panukalang Charter Change o Cha-Cha.

Ayon kay Rodriguez, magsasagawa sila ng serye ng konsultasyon sa buong bansa ukol sa panukalang pag-amyenda sa 1987 Philippine Constitution.

Sabi ni Rodriguez, tututukan sa ikakasang konsultasyon ang mga tanong kung kailangan bang baguhin ang saligang batas ngayon at sa paanong proseso o paraan.


Diin ni Rodriguez, mahalagang makuha ng Kongreso ang pulso ng mamamayan ukol sa napakahalagang isyu ng pagreporma sa ating Konstitusyon at kung paano ito makakaapekto sa buhay ng bawat isa.

Sabi ni Rodriguez, bilang bahagi ng demokrasya ay susuyurin nila ang Luzon, Visayas at Mindanao para pakinggan ang panig ng taumbayan ukol sa isinusulong na Cha-Cha.

Kabilang naman sa mga resource persons na humarap sa komite ay sina retired Supreme Court Associate Justices Vicente Mendoza at Adolfo Azcuna; Atty. Christian Monsod, na miyembro din ng 1986 Constitutional Commission; Atty. Neri Colmenares, na siyang chairperson ng National Union of People’s Lawyers; Atty. Raul Lambino, na miyembro naman ng 2005 Consultative Commission; at Philippine Constitution Association Vice President for Luzon Atty. Dionisio Garciano.

Facebook Comments