Panukalang Charter Change, binuhay ng Senado

Binuhay ni Senator Robin Padilla sa Senado ang usapin ng Charter Change o Cha-Cha.

Sa inihaing Resolution of Both Houses No. 3, pinaaamyendahan sa Kongreso bilang Constituent Assembly o Con-Ass ang mga economic provisions ng Konstitusyon.

Sa ilalim ng Con-Ass ang Kamara at Senado ay magbobotohan ng hiwalay para sa mga amyenda ng Saligang Batas.


Sa panukala, ipinadudugtong ang phrase o katagang “unless otherwise provided by law” sa mga tinukoy sa economic provisions kung saan maaaring magpasa ng batas para sa mas maluwag na pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa mga industriya.

Kabilang sa mga probisyon na pinaaamyenda ang 60 percent na dapat Pilipino ang magmamay-ari sa negosyo, hindi pagpapahintulot sa mga dayuhan na magmay-ari ng lupa, kumpanya, public utility, educational institutions, at mass media.

Tinukoy ni Padilla na dahil sa mga paghihigpit na ito sa economic provisions ay napaghuhulihan ang Pilipinas sa mga bansa sa Southeast Asia pagdating sa foreign direct investments at iba pang mga oportunidad.

Hindi naman kasama sa resolusyon ang mga political provisions tulad ng mga termino ng mga elected officials.

Facebook Comments