Panukalang COVID-19 Vaccination Program Act, lusot na sa Senado

49

Sa botong pabor ng 22 mga Senador kung saan walang kumontra ay lusot na sa third and final reading ng Senado ang Senate Bill number 2057 o panukalang COVID-19 Vaccination Program Act.

Ayon kay Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na siyang nag-sponsor ng panukala, papabilisin nito ang proseso ng pagbili ng bakuna ng national government, mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor sa pamamagitan ng National Task Force Against COVID-19 at Department of Health (DOH).


Pinapahintulutan ng panukala ang mga Local Government Unit (LGU) na magbigay ng advance payment para sa bibilhing COVID-19 vaccine para sa 50 percent ng kanilang constituents.

Nakapaloob din sa panukala ang 500-million pesos na indemnity fund para sa makakaranas ng matinding adverse effect ng bakuna at pinondohan ito mula sa contingent fund na nasa ilalim ng 2021 national budget.

Itinatakda rin ng panukala na gawing exempted sa buwis ang importasyon at distribusyon ng COVID-19 vaccine at mga kailangan nitong kagamitan.

Sa ilalim din ng panukala ay iisyuhan din ng vaccination card ang lahat ng mababakunahan.




Bubuo rin ng special task group na kabibilangan ng medical at vaccine experts para i-monitor na mabuti kung may adverse effect o hindi magandang magiging epekto ang bakuna.

Facebook Comments