Aprubado na ng House Committee on Health na pinamumunuan ni Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr., ang House Bill No. 9127 o panukalang nagpapalawak sa mga benepisyong natatanggap ng mga ‘public health workers’ na nakapaloob sa Republic Act No. 7305 o Magna Carta of Public Health Workers.
Ayon kay KABAYAN Party-list Representative Ron Salo, may-akda panukala, kasama sa mga benepisaryo nito ang mga doktor, nars, ‘midwife’, ‘medtech’ at mga ‘aide’ na nagtatrabaho sa mga pampublikong ospital, ‘health centers’ at ‘rural health units.’
Nakapaloob sa panukala ang pagbibigay ng 25% hazard allowance, subsistence allowance na ₱500 mula sa dating ₱300, at ₱1,000 na laundry allowance mula sa dating ₱125.
Sabi ni Salo, ang panukala ay makakatulong para mapabuti ang ‘health services’ sa bansa at mabigyang halaga ang mga ‘public health workers’ na walang sawang naglilingkod para sa kapwa Pilipino.
Diin pa ni Salo, ang panukala ay maaaring sagot sa ‘brain drain’ o ang paglisan ng mga ‘health workers’ mula sa Pilipinas para magtrabaho sa ibang bansa na nagiging sanhi sa kakulangan ng ating mga ‘medical professionals.’