Paaamyendahan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang kanyang panukala na P150 across the board wage increase na una nang inaprubahan ng Senate Committee on Labor.
Ayon kay Zubiri, balak niyang gawing P100 na lamang ang umento sa sahod ng mga manggagawa bunsod na rin ng pag-apruba ng wage board sa P40 na dagdag sa minimum wage earners sa Metro Manila.
Kinumpirma rin ng senador na plano niyang kausapin si Pangulong Bongbong Marcos upang ipaliwanag ang pangangailangan na maisabatas ang wage hike sa buong bansa.
Ibinabala ni Zubiri na hindi malayong maubusan ng mga de kalidad at eksperto ang bansa kung hindi mareresolba ang problema sa maliit na sahod.
Aniya, hindi sapat ang dagdag na P40 sa arawang sahod dahil ni hindi nga ito makakabili ng isang kilong bigas kaya’t hindi rin ito mararamdaman ng mga manggagawa.
Ipinaliwanag ng mambabatas na dahil sa mababang sahod sa Pilipinas, nagiging byline na ng mga Pilipino ang mga katagang pag naka-graduate, mag-a-abroad na lang kaya nakakapangamba aniya na posibleng maubusan ng Filipino experts ang bansa.