Malapit nang maaprubahan sa Senado ang panukala para sa karagdagang Shari’a Courts sa bansa.
Ito ay matapos makalusot sa ikalawang pagbasa ang Senate Bill 2594 sa gitna na rin ng pagdiriwang ng Ramadan ng mga kababayan nating Muslim.
Sa sponsorship ni Senator Francis Tolentino, isinusulong ang dagdag na tatlong Shari’a District Courts at 12 Shari’a Circuit Courts sa bansa.
Tugon na rin ito sa lumalaking populasyon ng mga kapatid na Muslim sa labas ng Bangsamoro Autonomous of Muslim Mindanao (BARMM) dahil marami na sa kanila ang lumilipat na rin ng tirahan sa Metro Manila, Ilocos Region, Visayas, at Bicol Region.
Bukod sa kailangan ito sa hinaharap, kinikilala rin ng Korte Suprema ang pangangailangan na mapalakas ang Shari’a o Islamic Law sa pamamagitan ng pagkakaroon ng access sa Shari’a Justice System hindi lang sa BARMM kundi sa buong bansa.
Sa kasalukuyan ay mayroong limang Shari’a District Courts at 36 na Shari’a Circuit Courts sa rehiyon lamang ng BARMM.