Panukalang dagdag sa minimum wage, pinasesertipikahang urgent sa pangulo

Pinasesertipikahang “urgent” ni Senate Committee on Labor, Employment and Human Resource Development Chairperson Senator Joel Villanueva kay Pangulong Bongbong Marcos ang panukalang dagdag na minimum wage sa mga manggagawa sa private sector.

Binigyang-diin dito ng senador ang pangangailangan na maiayos ang antas ng pamumuhay ng mga manggagawang Pilipino at maramdaman naman ang epekto ng paglago ng ekonomiya.

Hiling ni Villanueva na masertipikahan agad ng pangulo ang panukalang batas at matiyak ang pagpapatupad nito lalo’t unti-unti ay magsasara na ang 19th Congress.


Giit pa ng mambabatas, kailangang masigurong may kakayahang mamuhay nang maayos ang mga kababayan at mahalagang maitapat ang sahod ng mga manggagawa sa umiiral na living wage sa bansa.

Naunang naaprubahan noong 2024 sa Senado ang Senate Bill 2534 o ang P100 minimum wage increase bill na iniakda rin ni Villanueva at kahapon lamang ay ipinasa ng Kamara ang substitute bill at committee report ng P200 across the board legislated wage increase sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

Facebook Comments