Panukalang death penalty, “anti-poor”, ayon sa CHR

Tinawag na “anti-poor” ng Commission on Human Rights (CHR) ang panukalang death penalty.

Kasunod ito ng muling pagsusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection para sa mga krimeng may kaugnayan sa iligal na droga.

Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni CHR Spokesperson Atty. Jacque De Guia na taliwas ito sa sinabi ng pangulo sa kaniyang SONA na “buhay muna bago lahat”.


Aniya, hindi patas at makatao ang death penalty dahil talong-talo rito ang mga mahihirap na walang kakayahang kumuha ng abogado oras na sila ay maakusahan.

Dagdag pa ni De Guia, sa ilang taong kampanya ng administrasyon kontra droga, namamayagpag pa rin ang mga problema sa illegal drugs dahil patuloy na nakapag-o-operate ang mga drug lord.

Tinutulan din ni UP Political Science Professor Dr. Clarita Carlos ang pagsusulong ng pangulo sa death penalty.

Giit niya, walang matibay na ebidensya na nagpapakitang nababawasan ang krimen sa pamamagitan ng parusang kamatayan.

Facebook Comments