Panukalang Department of Disaster Resilience, aprubado na committee level ng Kamara
Magkatuwang na inaprubahan ng House Committee on Government Reorganization at Committee on Disaster Resilience ang panukalang pagtatag ng Department of Disaster Resilience (DDR).
Ayon kay Albay 2nd District Representative Joey Salceda, pinuno ng Technical Working Group (TWG) na siyang bumusisi at bumuo ng substitute bill, ang mga naitalang nasawi dahil sa Bagyong Kristine ay patunay sa pangangailangan na mapaghandaang mabuti ang mga kalamidad.
Diin ni Salceda, magiging posible ito kung mayroong isang matatag na institusyon tulad ng DDR na siyang magsisilbing principal government institution na titiyak ng isang ligtas, adaptive, at disaster-resilient na mga komunidad.
Ang DDR din ang ahensya na mamamahala sa pagpapatupad ng mga programa sa national, local at mga komunidad laban sa epekto ng kalamidad at mangunguna sa recovery at rehabilitation sa natural at man-made disasters.
Sabi ni Salceda, maaaring i-pattern ang DDR sa multi-awarded Albay Public Safety and Management Office na sinimulan noong 2007 at siyang nagsisikap na walang masasawi sa pananalasa ng mga kalamidad.
Bunsod nito ay hinihiling ni Salceda sa Presidential Legislative Liaison Office at Department of National Defense na magtulungan para sa pagbuo ng bersyon ng panukala na magiging katanggap-tanggap para sa Defense secretary.