Positibo si Albay 2nd District Representative Joey Salceda na bago ang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo ni Pangulong Bongbong Marcos ay maipapasa ng Mababang Kapulungan ang panukalang paglikha ng Department of Water Resources.
Inaasahan ni Salceda na madadagdag na naman ito sa malalaking mga panukala na naisabatas sa ilalim ng Marcos Jr. administration.
Si Salceda ang namumuno sa technical working group na nag-aaral sa panukalang Department of Water Resources.
Una rito ay pinuri ni Salceda ang pagbuo ni Pangulong Marcos ng Water Resources Management Office sa ilalim ng Department of Enviroment and Natural Resources (DENR).
Para kay Salceda, malaking bagay sa paglalatag ng nararapat na mga aksyon ng gobyerno na batid at malinaw sa pangulo na may kinakaharap tayong krisis sa tubig kasabay ng pagtama ng El Niño phenomenon.