Inaprubahan na ng Senate Committee in Labor na pinamumunuan ni Senator Joel Villanueva ang panukalang pagtatag ng Department of Overseas Filipinos (DoFil).
Pahayag ito ni Villanueva, kasunod ng ilang beses na pagdinig sa panukala kasama ang executive session o closed door session kung saan napagkasunduan na ang mga babaguhing probisyon sa panukala ukol sa DoFil.
Ayon kay Villanueva, maglalabas sya ng committee report ukol sa panukala na tumataguyod sa interes ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) at lahat ng Pilipino sa labas ng bansa.
Tinitiyak ni Villanueva na ang panukalang departamento ang magiging unang takbuhan ng ating mga kababayan sa ibang bansa.
Sabi ni Villanueva, ito rin ang magwawakas sa karanasan ng mga OFW na pinagpapasa-pasahan ng mga ahensya ng gobyerno.
Ang paglikha ng DoFil ay isa sa mga ipiningako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga OFW noong kampanya at sa kanyang mga State of the Nation Address (SONA).