
Inaasahang ipapasa ngayong araw ng Senate of the Philippines ang panukalang batas na naglalayong bigyan ng kapangyarihan si Ferdinand Marcos Jr. na pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo.
Ang panukalang pagbibigay ng emergency powers sa Pangulo ay sinertipikahang urgent ni Marcos at naaprubahan na rin sa pinal na pagbasa ng House of Representatives of the Philippines.
Ayon kay Vicente Sotto III, dahil naaprubahan na ito sa Kamara, target ng Senado na pagtibayin ang panukala sa sesyon mamayang hapon matapos itong maisponsoran kagabi.
Inaasahang makakatulong ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na pansamantalang suspindihin o bawasan ang fuel excise tax upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo dulot ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Makikinabang sa pansamantalang suspensyon o bawas sa excise tax ang mga public utility vehicle (PUV) drivers at operators, mga magsasaka, mangingisda, at mga negosyong nakadepende sa paggamit ng langis.









