Suportado ng University of the Philippines (UP) OCTA Research group ang pagkakaroon ng face-to-face classes sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19.
Ayon kay Professor Guido David, OCTA Research fellow ng UP, kung pagbabasehan ang siyensya, mas malaki ang tyansa nang hawaan sa high school kaysa sa elementarya.
Habang giit naman ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr., mas mainam na magkaroon ng face-to-face class sa kolehiyo dahil mas batid na ng mga ito ang safety protocols at minimum health standards.
Pero aniya kailangan pa itong pag-aralan dahil karamihan sa mga mag-aaral ay kinakailangan pang maglakbay patungong paaralan.
Samantala, posibleng ngayong buwan na talakayin ng Department of Education (DepEd) at ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang panukalang face-to-face classes sa mga lugar na walang kaso o mababa lang ang bilang ng COVID-19.
Paliwanag ni Education Usec. Diosdado San Antonio, mas prayoridad nilang isailalim sa face-to-face classes ang mga nasa elementarya dahil mas nangangailangan ang mga ito ng gabay ng mga guro.
Habang iginiit din ni San Antonio na bukas silang pag-aralan ang mga polisiyang dapat ipatupad para matiyak na nasusunod ang mga health protocols tulad ng iba’t-ibang oras ng pagpasok sa klase.
Sa ngayon, pinaplano na ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagkakaroon ng virus resurgence plan bilang paghahanda sa oras na maaprubahan ang panukalang face-to-face classes.