Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill 1849 o ang panukalang batas na nag-aamyenda sa fixed-term ng Armed Force of the Philippines (AFP) Chief-of-Staff at iba pang matataas na opisyal ng Hukbong Sandatahang Lakas.
Sa inaprubahang bersyon ng Senado, ibinalik sa 56 na taong gulang ang retirement age ng mga AFP officials maliban na lamang sa Chief-of-Staff at mga commanding generals ng tatlong major services at superintendent ng Philippine Military Academy (PMA).
Ang mga nabanggit ay magreretiro lamang kapag natapos na ang kanilang termino o kung sibakin ng pangulo.
Sa kasalukuyang bagong pasang batas na Republic Act 11707, 14 na key officers doon ang may fixed-term pero sa inamyendan ng Senado, limang key officers na lamang ang may fixed term kung saan tatlong taon para sa AFP Chief-of-Staff habang dalawang taon sa mga commanding generals ng mga major services at PMA superintendent.
Umaasa si Senator Jinggoy Estrada, pangunahing may-akda ng panukala, na sa hakbang na ginawa ng Senado ay maibabalik ang moral ng mga sundalo at mga opisyal ng AFP na naapektuhan sa batas na ito.
Hatid din aniya ng ginawang pag-amyenda na mapanatili ang flexibility, stability at dynamism para maka-adapt at makatugon ang ating AFP sa pagbabago ng panahon.