Lusot na sa House Committee on Labor and Employment na pinamumunuan ni Rizal Representative Fidel Nograles ang panukalang “Freelance Workers Protection Act”.
Ito ay ang consolidated version ng House Bill No. 615 na iniakda ni Pangasinan Rep. Christopher de Venecia.
Layunin ng panukala na mabigyan ng proteksyon at insentibo ang mga itinuturing na “freelance workers” katulad ng mga aktor, writers, singers, dancers, composers, direktor at iba pa.
Iniuutos ng panukala ang pagkaroon ng “written contracts” para sa freelancers, kung saan dapat naka-detalye ang mga kompensasyon, benepisyo, sahod at paraan ng pagbabayad, “period of employment” at Tax Identification Number (TIN) ng freelancer at iba pa.
Kasama sa panukala ang pagbibigay ng hazard pay at night shift differential pay sa mga freelance workers.
Giit ni De Venecia, napapanahon nang maisabatas ang isang panukalang tunay na poprotekta sa mga freelancer lalo na sa creative industries kung saan mula sa 4.8 million stakeholders ay 4 na milyon ang freelancers.