Panukalang full insurance para sa mga benepisaryo ng CARP, lusot na sa Kamara

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ang House Bill No. 6680 na nagmamandato ng full insurance para sa mga magsasaka na benepisaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

271 ang mga kongresista na bumoto pabor sa panukala na mag-aamyenda sa Republic Act No. 6657 na inamyendahan ng Republic Act No. 9700 o “Comprehensive Agrarian Reform Law of 1988.”

Layunin ng panukala na mabigyan ng ayuda at suporta ang agrarian reform beneficiaries o ARBs sa panahon ng kalamidad, pananalasa ng mga peste sa pananim, pagpanaw o pinsala sa magsasaka.


Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, matutulungan nito ang ating mga magsasaka na makabangon mula sa matinding dagok na dulot ng hindi maiiwasang pangyayari na sumira at nakaapekto sa kanilang sakahan.

Diin pa ni Speaker Romualdez, ang pagpasa sa panukala ay bahagi rin ng kanilang legislative commitment na siguruhin ang food security ng bansa sa pamamagitan ng pagtulong sa mga magsasaka na muling maging produktibo.

Facebook Comments