Sinimulan na ring talakayin sa plenaryo ang panukalang batas na naglalayong gawing anim na taon ang panunungkulan ng mga halal na opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan.
Sa ilalim ng Senate Bill 2816, gagawing anim na taon ang panunungkulan ng mga barangay at SK official at puwede hanggang dalawang termino.
Nakasaad sa panukala na gaganapin ang susunod na eleksyon sa ikalawang Lunes ng Mayo sa taong 2029 upang sa gayon ay anim na taon ang nakalipas mula sa huling halalan noong 2023.
Naniniwala ang mga senador na masyadong maikli ang tatlong taon para maisakatuparan ng mga barangay at SK official ang kanilang mga programa at reporma sa kanilang nasasakupan.
Sa kasalukuyang batas ay tatlong taon na panunungkulan at hanggang tatlong terminong magkakasunod na maaaring maihalal ang isang barangay at SK official.