Hindi sinang-ayunan ng Malacañang ang naging panukala ni Philippine National Police (PNP) PRO-7 Police Brigadier General Albert Ignatius Ferro, kaugnay sa paggamit ng mga ‘tsismosa’ at ‘tsismoso’ bilang mga contact tracers.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bukod sa hindi pa ito nakakarating sa Inter-Agency Task Force (IATF), aminado rin siyang magiging mahirap na gawin kung ang mga ‘tsismosa’ ang gagamitin para sa contact tracing.
Hindi rin aniya kwalipikado ang mga ‘tsismosa’ at ‘tsismoso’ kaya mas mabuting ang mga pulis na lang ang sanayin bilang contact tracers.
Kasabay nito, ipinaalala naman ni Department of Health (DOH) Usec. Maria Rosario Vergeire sa mga nangangasiwa ng contact tracing, ang mga panuntunang dapat sundin sa pagkuha ng contact tracers.
Ayon kay Vergeire, sa ilalim ng Department Memorandum 2020-0189, dapat isang health professional ang magiging contact tracer.
Kailangan din aniyang maging maingat ito sa pangangalap ng impormasyon lalo’t confidential ang pagkuha ng mga datos.
Sa ngayon, meron nang 73,985 contact tracers sa buong bansa kung saan 8,786 dito ang mga nurse sa ilalim ng Nurses Deployment Program.