Panukalang gawing legal ang medical marijuana, isinulong muli ni Senator Padilla

Isinulong muli ni Senator Robinhood Padilla ang panukalang gawing legal ang paggamit ng marijuana para sa larangan ng medisina.

Sa kaniyang privilege speech ay sinabi nito na minsan nang natalakay sa Senado ang paggamit ng cannabis sativa para sa layuning medikal at naging masinsinan ang naging diskusyon na payagan itong gamitin para sa compassionate purposes.

Para kay Padilla, walang dapat ikatakot ang publiko dahil maliban sa medical benefits na dala nito ay malaki ang makokolektang kita nito mula sa buwis at licensing fee.


Ayon sa mambabatas, tinatayang nasa 37.4 billion dollars o mahigit dalawang trilyong piso ang global revenue sa medical marijuana noong 2021 kung saan sa Asya ay kumita ang Thailand ng 79 million dollars o ng higit 4 bilyong piso para rito noong nakaraang taon.

Lumalabas kasi na nasa 3.63 trillion pesos lamang ang inaasahang kita ng gobyerno para sa panukalang 2023 national budget na nagkakahalaga ng 5.26 trillion pesos.

Dagdag pa nito, legal na sa 70 bansa ang paggamit ng marijuana sa medisina.

Kapag naging batas ay gagamitin lamang ang medical cannabis sa mga kwalipikadong pasyente na na-diagnose ng isang sertipikadong physician ng isang debilitating medical condition katulad ng cancer, epilepsy, HIV/AIDS at iba pa.

Facebook Comments