Tinalakay na sa plenaryo ng Senado ang panukalang gawing ligal sa bansa ang medical cannabis o medical marijuana.
Inisponsoran ni Senator Robinhood Padilla ang Senate Bill 2573 o ang panukalang Cannabis Medicalization Act of the Philippines sa plenaryo.
Tiniyak ni Padilla na ang pagsusulong niya ng medical marijuana ay salig sa mga pag-aaral at testimonya ng mga doktor at mga eksperto sa iba’t ibang mga bansa na may sapat na kaalaman at pagsasanay para sa pagpapatupad nito.
Sa ilalim ng panukala, ang paggamit ng cannabis para sa medical purposes ay pinapayagan para gamutin o maibsan ang debilitating medical conditions ng isang qualified patient.
Mula sa pagbili, pagkuha, paghahatid, paggamit, pangangasiwa hanggang sa manufacturing ng private individuals o entities ng medical cannabis para sa medical at research purposes ay saklaw at titiyakin din ng panukalang batas.
Lilikha rin ng Philippine Medical Cannabis Authority (PCMA) na siyang magiging regulatory agency at ang Medical Cannabis Advisory Committee na siyang tutulong sa pagbibigay ng direksyon para sa formulation, implementasyon at assessment sa mga polisiya, alituntunin at regulasyon ng medical cannabis.