Panukalang habambuhay na kulong sa agri-smugglers, pasado na sa Kamara

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives ang panukala na mag-aamyenda sa Anti-Agricultural Smuggling Act, o Republic Act No. 10845 upang maging habambuhay na pagkakakulong ang parusa sa mga agri-smugglers.

Ito ay ang House Bill No. 9284, o panukalang Anti Agri-Fishery Commodities and Tobacco Economic Sabotage Act na nakakuha ng 289 pabor na boto mula sa mga kongresista at walang tumutol.

Sa ilalim ng panukala ang pag-abuso sa merkado, smuggling
hoarding, profiteering, at cartelizing ng bigas at iba pang produktong agrikultura ay ituturing na “economic sabotage” kaya magiging habambuhay na pagkakakulong ang parusa rito.


Inendorso sa plenaryo ni House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga ang panukala na kabilang din sa priority bills ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Umaasa si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na kapag naisabatas ang panukala ay matatapos na ang maliligayang araw ng mga smugglers, hoarders, at mga nagca-cartel para pagkakitaan ang paghihirap ng nakararaming Pilipino.

Facebook Comments