Panukalang hatiin ang mega-franchise ng MERALCO, suportado ng ilang kongresista

Suportado ng dalawang lady solons ang panukala ni Sta. Rosa Lone District Rep. Dan Fernandez na i-review at hatiin ang mega-franchise ng Manila Electric Company (MERALCO) na siyang kumokontrol ngayon sa 70% na kuryente sa buong Luzon.

Ito ay dahil mistulang nagiging monopolya na ang MERALCO pero sa kabila ng pagiging malaki at dominant nito sa power industry, ay bigo naman ang electric company na pagsilbihan ang interes ng nasa 7.6 million na subscribers.

Kinatigan nila Laguna 1st district Rep. Ann Matibag at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang panukala ni Fernandez na hatiin ang malawak na prangkisa ng MERALCO.


Sinabi ni Matibag na kung tutuusin dapat ay instrumento ang MERALCO sa pagbaba ng singil sa kuryente dahil ang kumpanya ay isang ‘monopsony’ kung saan wala naman itong kakumpitensya.

Sa halip aniya na tulungan ang mga consumers na makatipid ay pinili ng MERALCO na kumita bilang supplier ng kuryente kung saan tinukoy ng kongresista na mula sa P3 per kilowatt hour noong 2000, ngayon ay P12 per kilowatt hour na ang singil ng MERALCO.

Naniniwala naman si Castro na totoo ang pahayag ni Fernandez na ang Pilipinas ang may pinakamahal na kuryente sa Asya dahilan kaya hindi lubusang pumapasok sa bansa ang mga foreign investments at maski ang mga local investors ay umaalma rin sa napakataas na power rates.

Suportado rin ni Castro ang pangangailangan na marepaso ang franchise ng MERALCO gayundin ang papanagutin ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa maraming taon na kabiguan nitong tugunan ang problema sa serbisyo at mataas na singil sa kuryente.

Facebook Comments