Panukalang ibaba ang retirement ng mga empleyado ng gobyerno, tinalakay sa Senado

Umarangkada na ang pagtalakay ng Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation na pinamumunuan ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., sa panukalang ibaba ang mandatory at optional retirement ng isang manggagawa ng pamahalaan.

Ito ay Senate Bill No. 72 na inihain ni Revilla na naglalayong mapababa sa 60-anyos ang edad ng compulsory retirement ng isang empleyado ng pamahalaan mula 65-anyos at ang optional retirement na 60-anyos ay maging 55-anyos na lamang.

Kasama ding tinalakay ang panukala nina Senator Joel Villanueva at Senator Sonny Angara na mapababa ang edad ng nais mag-optional retirement na public school teacher sa 56-anyos mula sa kasalukuyang
60-anyos.


Pinaliwanag pa ni Revilla na ang maagang pagreretiro ay malaking bagay para mapakinabangan ng isang senior citizen ang bunga ng kaniyang pinaghirapan at magkaroon ng mahabang oras sa kaniyang pamilya at mga kaibigan habang malakas pa.

Kaugnay nito ay pinunto naman ni CSC Commissioner Aileen Lizada na ang Pilipinas ang may pinakamatandang edad ng mandatory at optional retirement sa buong ASEAN.

Base sa datos ng istatistika, kumpara sa ibang ASEAN countries ay ang Pilipinas ang may pinakamatandang edad ng pagreretiro na 65 anyos at ang Pilipinas din ang may pinakamatandang edad ng optional retirement na mula 50 anyos hanggang 60 anyos.

Nagpahayag naman ng suporta ang Government Service Insurance System o GSIS sa naturang panukala, ngunit bahagyang sinipat ang posibleng impact umano nito sa insurance fund life.

Facebook Comments