Ibinasura ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ang panukala ng ilang gabinete na bawasan ang taripa o buwis sa imported na bigas.
Sa ginanap na sectoral meeting sa Malacañang, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi ito ang tamang panahon para ibaba ang tariff rates sa mga imported na bigas.
Paliwanag ng pangulo, kadalasang binabawasan ang taripa kapag mataas ang presyo at hindi ngayong inaasahang bababa ang pandaigdigang presyo ng bigas.
Ipinapanukala nina Finance Secretary Benjamin Diokno at National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na babaan ang taripa para umano pababain ang presyo ng bigas sa merkado.
Nauna nang nagpahayag ng pagtutol ang ilang grupo ng magsasaka sa pagbaba ng taripa dahil mga importer lamang daw ang makikinabang nito.
Kapag kasi ipinatupad, mas lalong bababa ang presyo ng palay at mawawalan ng gana ang mga magsasaka na paramihin pa ang produksyon.
Samantala, pinag-aaralan pa ngayon kung aalisin na ang umiiral na price ceiling sa bigas kung saan nakapako sa 41 pesos ang presyo ng kada kilo ng regular milled rice habang 45 pesos naman sa well milled rice.