Pinatitiyak ng ilang mga senador ang pagiging transparent ng proseso ng rekomendasyon o panukalang ibenta ang mga non-performing assets ng gobyerno para pondohan ang Maharlika Investment Fund Bill.
Kaugnay rito ay kapwa nagpahayag ng suporta sina Senator Grace Poe at Senator Sonny Angara sa suhestyon na ibenta ang ilan sa mga pag-aari ng pamahalaan na hindi naman talaga napakikinabangan.
Para kay Poe, ilan sa mga government assets ay problema lang, nababalot pa ng korapsyon, at hindi pa napapangasiwaan nang maayos kaya mainam din kung ito ay ipauubaya na lamang sa pribadong sektor.
Subalit, hiling ng senadora na ang pagbebenta ng government assets ay dapat na gawin sa pinaka-transparent na paraan at kailangang matiyak ang kredibilidad ng buyer.
Dagdag pa nito na dapat ding siguruhin na ang pondong malilikom mula sa pinagbentahan ng assets ay talagang mapupunta sa nilalayon ng pondo.
Ganito rin ang sentimyento ni Angara na marapat lamang na tiyaking ang transaksyon sa bentahan ng government assets ay wasto at transparent lalo na kung ito ay pondo na para sa taumbayan.