Inaprubahan na ng House Committee on Agriculture and Food ang House Bill 3917 o panukalang nagtatakda sa tobacco smuggling bilang economic sabotage.
May-akda ng panukala sina Puwersa ng Bayaning Atleta Party-list Rep. Margarita Nograles at presidential son, Ilocos Norte Rep. Ferdinand “Sandro” Marcos.
Aamyendahan nito ang Republic Act No. 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 para pabigatin o gawing habambuhay na pagkabilanggo ang parusa sa tobacco smuggling at multa na katumbas ng doble ng halagan ng produktong ipinuslit kasama ang buwis, duties at iba pang charges.
Ayon kay Nograles, bilyon-bilyong piso ang nawawala sa gobyerno dahil smuggling ng tobacco products na kapag nagpatuloy ay tiyak pipilay sa ating tobacco industry at nasa 2.2 milyon nating mga kababayan ang maaapektuhan.
Sa panukala ay kapwa binigyang diin nina Nograles at Marcos na nasa 10-porsyento ng mga ibinibentang sigarilyo sa bansa ngayon ay mula sa smuggling.
Kaugnay nito ay isang technical working group ang binuo ni Committe Chairman Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga para pagsama-samahin ang mga panukalang itaas ang parusa sa large-scale agricultural smuggling kasama ang tobacco products.