Manila, Philippines – Walang problema kay Philippine National Police (PNP) Chief Police Director Ronald Bato Dela Rosa ang panukala ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ilaan na lamang ang 1.4 na bilyong budget ng Philippine National Police (PNP) sa war on drugs para sa PNP housing program.
Ayon kay Dela Rosa, gusto niya ang mungkahi ni Senator Drilon at inaming magiging malaking pakinabang para kanila ang karagdagang pondo para sa pabahay.
Nagpasalamat aniya siya sa senador na sa kabila ng pagiging kritiko nito sa war on drugs, ay iniisip parin niya ang kapakanan ng mga pulis.
Pero binigyang diin ng PNP Chief na mas pinapaboran niya ang panukala ng sponsor ng PNP budget na si Senator JV Ejercito.
Ang panukala ni Ejercito ay ilaan ang pondo sa war on drugs sa anti-terrorism campaign ng PNP upang mas mapalakas pa ito.
Para kay Dela Rosa, mas importanteng bigyang priyoridad ang mas makakabenepisyo sa komunidad kaysa sa mga personal na pangangailangan ng mga pulis.
Paliwanag pa ni Dela Rosa, importanteng mapalakas ang anti-terrorism campaign dahil walang may gusto na maulit ang Marawi siege, pero sa huli, ipauubaya nalang niya sa mga senador ang pagdedesisyon sa budget ng PNP.