Tinutulan ng mayorya sa mga empleyado ng Mababang Kapulungan ang isinusulong na ilipat ang gusali ng Kamara sa Bonifacio Global City o BGC sa lungsod ng Taguig mula sa lokasyon nito ngayon sa Batasan Pambansa sa Quezon City.
Base ito sa resulta ng survey na isinagawa ng tanggapan ni House Secretary General Reginald Velasco na layuning pairalin ang transparency at malaman ang sentimyento ng mga empleyado ng Kamara.
Hanggang nitong Jan. 21, 2024 ay 1,698 na responses o sumagot sa survey kung saan 1,481 o 88% ang nagpahayag ng pagkontra sa paglipat ng Kamara sa BGC.
Umabot naman sa 208 o 12% lamang ang mga bumotong pabor sa nabanggit na mungkahi.
Base sa datos, nasa limang libo ang bilang ng mga kongresista, congressional staff at secretariat sa Kamara pero nasa 1,698 lamang ang tumugon sa survey o katumbas ng 36%.
Magugunitang bago natapos ang 2023 ay pinagtibay ng Kamara ang isang resolusyon para pag-aralan ang panukala na ilipat ang gusali ng Kamara malapit sa bagong gusali ng Senado sa Taguig.