
Tiniyak ng liderato ng Senado na aaprubahan na sa susunod na taon ang panukalang batas na bubuo ng isang Independent People’s Commission (IPC) na mag-iimbestiga sa lahat ng katiwalian sa mga infrastructure project sa mga ahensya ng gobyerno.
Kaugnay na rin ito sa pagbibitiw sa pwesto ng isa sa mga miyembro ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na nag-iimbestiga sa mga flood control project.
Sinabi ni Senate President Tito Sotto III na naging abala ang Senado ngayong taon dahil sa deliberasyon sa 2026 national budget kaya hindi na naisingit ang pagpapatibay sa panukalang IPC.
Ayon kay Sotto, nagawa na ng ICI ang kanilang mandato na imbestigahan ang mga sangkot sa ghost at flood control projects anomaly at naibigay na rin sa Department of Justice at Office of the Ombudsman ang nakalap na mahahalagang ebidensya.
Aniya, oras na mapagtibay na ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang IPC, maaaring ito na ang magpatuloy ng mga imbestigasyon sa ghost infrastructure projects.
Taliwas sa ICI, ang IPC ay bibigyan ng prosecutorial power, karapatang mag-isyu ng subpoena at patawan ng contempt ang isang testigo o resource person na hindi makikipagtulungan sa mga imbestigayson.
May mandato din itong mag suspinde at magpa-freeze ng assets ng isang indibidwal na isinasangkot para agad matukoy ang money trail at magrekomenda ng hold departure order.










