Tinatalakay na ng House Committee on transportation ang panukalang batas na layong ipagbawal ang pag-park ng mga sasakyan sa mga kalsada sa buong Pilipinas.
Sa ilalim ng House 922, ipagbabawal ang parking o pagtigil ng higit 10 segundo ng sasakyan sa mga kalsada sa buong bansa.
Ayon kay Marikina City Rep. Bayani Fernando, ang pagpaparada ng sasakyan sa kalsada ay isa sa nagiging dahilan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Nakasaad sa panukalang batas na may 10-segundo ang mga sasakyan para magbaba at magsakay sa bahagi ng kalsada.
Pero hiling ni Mateo Lee Jr. ng National Council on Disability Affairs, pahabain pa sana sa higit sa sampung segundo para sa mga may kapansanan.
Nakapaloob din sa panukala na ang lahat ng mga kalsada sa mga subdivision ay mapapasailalim sa Local Government Unit.
Kung ang pribadong kalsada naman ay ginagamit ng maraming property owner ay pwede itong buksan sa publiko.
Pinagsusumite ng komite ang mga stakeholder’s ng kanilang posisyon kaugnay ng panukalang batas.
Bumuo na rin ng Technical Working Group para plantsahin ang detalye ng panukala.