May nakikitang puntos ang Malacañang sa mga mungkahi na ipagpaliban ang kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa May 2025, at gawin ito sa May 2026.
Ilan sa mga dahilan ng mungkahi ay ang hindi pa nalulutas na petisyon na kumukuwestiyon sa constitutionality ng Bangsamoro electoral code of 2023, ang hindi pagkakabilang ng Sulu sa BARMM, at kahilingan ng Commission on Elections (Comelec) na dagdag na panahon para mapaghandaan ang halalan.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, posibleng sertipikahan ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. pero hindi pa ito nakakapagpasya tungkol sa isyu.
Mataas ang aniya ang pagtingin ng Pangulo sa BARMM at natutuwa ito dahil walang mga karahasan at kaguluhan sa rehiyon kaya gusto nitong magtagumpay ang eleksiyon.
Gayunpaman sinabi ni Bersamin na ipinauubaya na nila sa Kongreso kung pagtitibayin ang panawagang ipagpaliban ang BARMM elections sa 2025.