Kinondena ng Kabataan Partylist ang House Bill No. 2407 na nagsusulong na palitan ng Ferdinand E. Marcos State University ang pangalan ng kasalukuyang Mariano Marcos State University o MMSU sa Batac, Ilocos Norte.
Katwiran ng Kabataan Partylist ang mga paglabag sa karapatang pantao na nangyari umano sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Sr., ay sapat na dahilan para hindi maisabatas ang nasabing panukala.
Ayon kay Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel, hindi rin malilimutan ang napakaraming martir na estudyante dahil sa diktadurang Marcos.
Diin pa ni Manuel, ang isang institusyon na itinayo para magbigay ng abot-kamay at dekalidad na edukasyon sa publiko ay hindi dapat ipangalan sa taong nanguna sa pagbibigay-daan sa pagtaas ng matrikula at komersiyalisasyon sa edukasyon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Education Act of 1982.
Giit ni Manuel, hindi rin dapat ituring na pagmamay-ari ng isang pamilya ang mga state university and college at wala ring utang na loob ang kabataan na bigyang ‘dangal’ ang mga nasa kapangyarihan para sa edukasyon na kanilang natatamasa dahil sa buwis ng mamamayang Pilipino.