Lusot na sa House Committee on Higher and Technical Education ang House Bill No. 2407 o panukalang palitan ng Ferdinand E. Marcos State University ang pangalan ng kasalukuyang Mariano Marcos State University (MMSU) sa Batac, Ilocos Norte na siyang hometown ng pamilya Marcos.
Nagpasya ang chairman ng komite na si Baguio Rep. Mark Go na pagbotohan ang panukala makaraang tumutol dito si Makabayan bloc member and Kabataan Rep. Raoul Manuel.
Pitong miyembro naman ng komite ang bumoto pabor sa panukala na inakda ni Ilocos Norte 2nd District Rep. Angelo Marcos Barba.
Nilinaw naman ni Congressman Manuel na nirerespeto niya ang pumapabor sa panukala, kasama na ang mga komunidad na nakapaligid sa MMSU.
Pero paliwanag ni Manuel, ang panukala ay taliwas sa mga legal na aksyon laban sa umano’y mga pag-abusong nangyari sa panahon ng pamumuno ni Marcos Sr.
Pangunahing tinukoy ni Manuel ang Republic Act No. 10368 o ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013.
Sabi ni Manuel, nakasaad sa naturang batas na kinikilala ng ating gobyerno na may mga biktima umano ng summary execution, torture, enforced or involuntary disappearance at talamak na pagkabag sa karapatang pantao sa ilalim ng pagpapatupad ni Marcos Sr. ng martial law.