
Pasado na sa plenaryo ng Senado ang Free Funeral Services Act o ang Senate Bill 2965 sa botong 22 na sang-ayon at walang pagtutol.
Layon ng panukala na mabigyan ng libreng funeral services ang mga mahihirap na pamilya na ang kita ay mas mababa pa sa itinakdang poverty threshold ng National Economic and Development Authority (NEDA) na ngayon ay Department of Economy, Planning and Development (DepDev).
Nakasaad sa panukala na ang mga kwalipikadong mahihirap na pamilya ay makatatanggap ng tinatawag na “Indigent Funeral Package,” na kinabibilangan ng mga sumusunod:
• Pagproseso ng funeral documents
• Embalsamo
• Serbisyo ng paglilibing o interment
• Transportasyon
• Serbisyong cremation at inurnment kabilang ang pagbibigay ng kabaong, urn, o lugar para sa burol o seremonya.
Oras na maging ganap na batas, inaatasan ang lahat ng funeral establishments na magpatupad ng iisang standard na “Indigent Funeral Package” na magagamit ng lahat ng mahihirap na pamilya.









