Manila, Philippines – Pirma na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihintay para sa panukalang batas na layong magbigay ng libreng internet at malinis na comfort rooms para sa mga pasahero sa transport terminals.
Naipasa na sa Malacañang ng Kongreso nitong March 21 ang Senate Bill 1749 o An Act to Improve Land Transportation Terminals, Stations, Stops, Rest areas and roll-on/roll-off terminals.
Sa ilalim ng panukala, ang mga transportation terminals sa buong bansa ay minamandato na magkaroon ng malinis na restroom facilities at may libreng internet access.
Inaatasan nito ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pakikipagtulungan sa Department of Transportation (DOTr) at iba pang concerned agencies na magbigay ng libreng internet access sa mga terminals.
Ang mga terminal ay dapat may lactating stations para sa mga nanay na nagpapa-breastfeed.
Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng ₱5,000 kada araw at dagdag pang ₱5,000 kapag nangongolekta ng fee sa mga pasahero kapag gagamitin ang sanitary facilities.