Panukalang lulusaw sa mga utang ng mga magsasaka, inaasahang maisasabatas na

Umaasa si Senator Cynthia Villar na malalagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos ang panukala na magpapawala sa utang ng mahigit 600,000 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs).

Ang New Agrarian Emancipation Act ay nakapasa na sa dalawang kapulungan ng Kongreso at ngayon ay naghihintay na lamang ng lagda mula sa pangulo.

Sa ilalim ng panukala, isinusulong na alisin na o hindi na singilin ng principal at interes sa utang ang mga beneficiaries mula sa ibinigay na agricultural lands sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program simula December 31, 2022.


Ipinababasura rin ang lahat ng kaso ng mga agrarian reform beneficiaries sa Department of Agrarian Reform (DAR) dahil sa hindi pagbabayad ng utang.

Dagdag pa rito ay hindi rin pagbabayarin ng estate tax ang mga ARBs at ipagbabawal din na ibenta gayundin ang ilipat ang lupa sa loob ng 20 taon maliban kung ibibigay ito bilang mana o sa Land Bank o sa iba pang kwalipikadong benepisyaryo.

Sa kasalukuyan, aabot sa P57.5 billion ang utang ng mahigit sa anim na raang libong mga agrarian reform beneficiaries na may 1.2 million ektaryang sinasaka na lupa ng agrarian reform.

Facebook Comments