Inendorso na ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation na pinamumunuan ni Senador Imee Marcos ang panukalang maagang pagboto ng senior citizen, indigenous people, mga buntis, at may mga kapansanan.
Binanggit din ni Marcos, ang mga guro, mga poll watcher, Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) personnel, gayundin ang mga miyembro ng media na magiging full-time ang trabaho sa mismong araw ng eleksyon.
Sa Senate Bill number 2216 o ang Early Voting Bill ay inaatasan ang Commission on Elections (Comelec) na magtakda ng petsa para sa rehistrasyon ng early voters.
Inaatasan din ng panukala ang Comelec na magtakda ng petsa para sa maagang pagboto na dapat ay sa loob ng 30-araw o hindi bababa sa dalawa bago ang mismong araw ng 2022 elections.
Pinapatiyak din sa Comelec na ang lugar ng botohan ay nasa ground floor o ang madaling puntahan ng mga nakakatanda, Persons with Disability (PWDs) at buntis at dapat ay mayroon ding available na pampublikong transportasyon.
Bukod dito, dapat ay maroon ding mga wheelchair, bentilasyon, may mga taga-alalay at sign language interpreters.
Ibinabala ni Marcos na 23 milyong mga lehitimong botante ang malalagay sa peligrong hindi makaboto sa May 2022 elections kung hindi agad maipapasa ang panukalang batas para sa mas maagang pagboto.