
Inaprubahan ng House Committee on Ways and Means ang substitute bill o pinagsamang mga panukalang batas na mabigyan ng emergency powers si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. para suspendehin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo.
Ang hakbang ng komite na pinamumunuan ni Marikina Rep. Miro Quimbo ay sa harap ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan na nagdudulot ng pagtaas sa presyo ng langis.
Nakapaloob sa panukala na ang suspension ng excise tax ay hindi dapat lumampas sa loob ng anim na buwan pero maari itong mapaikli o mapalawig ng Kongreso ng hindi lalampas sa isang taon.
Batayan nito ang pagpalo sa 80 US dollars kada bariles na average para sa isang buwan, o kung may deklaradong state of national emergency o calamity, o katulad na pangyayari na nagdudulot ng pagtaas sa halaga ng langis.










