Inaprubahan na ng House Ways and Means na pinamumunuan ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda ang mga panukala na layuning ilibre sa buwis ang hazard pay ng mga pampublikong taga-usig, gayundin ang mga hukom ng iba’t ibang regional, metropolitan at municipal trial courts sa buong kapuluan.
Ayon kay House speaker ferdinand martin Romualdez, gumaganap ng napakahalagang papel ang mga public prosecutors sa paggagawad ng criminal justice dahil sila ang pangunahing responsable sa paunang imbestigasyon at paglilitis ng lahat ng mga kasong criminal.
Diin ni Romualdez, ang mapanganib na tungkulin ng mga prosecutors, tulad ng pagsasagawa ng inquest proceedings, preliminary investigation at paglilitis sa mga masalimuot at mga high-profile na krimen ay naglalagay sa kanila sa panganib, kaya’t dapat lamang silang gawaran ng hazard pay.
Ipinunto naman ni congressman Salceda, na ang paggagawad sa kanila ng premium hazard pay para sa panganib ay walang pinag-iba sa pagbabayad sa kanila sa para sa kanilang pagsisikap.
Sa pagdinig ng komite ay nanindigan naman ang Chief Prosecutors Association na ang hazard pay ay hindi sweldo kundi kabayaran para sa proteksyon ng mga prosecutors kaya marapat lang na wala itong buwis.