Muling isusulong ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang panukalang batas na mag-aalis ng political influence sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Partikular na nais amyendahan ni Dela Rosa ang Local Government Code na nagpapahintulot sa mga local chief executives na pumili ng chief of police sa kanilang mga lungsod o munisipalidad.
Aminado si Dela Rosa na ang pakikialam ng mga pulitiko sa kanilang hanay ang pinakamalaking problema sa kanilang organisasyon kahit noong siya ay PNP Chief pa.
Naniniwala ang mambabatas na ang naturang panukala lamang ang maaaring daan upang ma-full professionalize ang PNP na hindi nadidiktahan ng pulitiko.
Mas makakabuti aniya na ipaubaya na lamang sa PNP sa pamamagitan ng merit ang mga matatalagang provincial director, regional director, at chief of police ng bawat lungsod o munisipalidad.