
Sa botong pabor ng 200 mga kongresista ay lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang House Bill 11213 o panukalang Education Pathways Act na layuning amyendahan ang K-12 System Act.
Sa ilalim ng panukala, ang mga magtatapos na estudyante ng Grade 10 ay maaaring pumili kung kukuha sila ng University Preparatory Program kung saan magkakaroon ng advance placement examination na kapag kanilang ipinasa ay maaaring hindi na sila dumaan sa senior high school o Grades 11 at 12.
Pwede rin nilang piliin ang Technical-Vocational Program sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Magpapatupad naman ng ladderized education program para sa mga kukuha ng technical-vocational programs kung saan bibigyan sila ng pagsusulit para matukoy kung kwalipikado silang pumasok sa kolehiyo.
Tiwala si House Committee on Basic Education Chairman at Pasig Representative Roman Romulo na matutugonan ng panukala ang kabiguan ng mga graduates ng K-12 na makahanap ng trabaho.